BANGKOK – Pupuntiryahin nina flyweight Ian Clark Bautista at welterweight Eumir Felix Marcial ang semifinals berths sa ASBC Asian Boxing Championships ngayon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Kung mananalo sina Bautista at Marcial, kapwa gold medal winners sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore, ay makakamit din nila ang tiket para sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar na nakatakda sa Oct. 5-15.
Ang Doha event ang qualifier para sa 2016 Olympic Games.
Kasalukuyan namang nakikipaglaban si light flyweight Rogen Ladon kay second seed Murodjon Rasulov ng Tajikistan habang sinusulat ito kung saan hangad ng pambato ng Negros Occidental ang semis berth.
Lalabanan ni Bautista si Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan, samantalang makakatapat ni Marcial si hometown bet Saylom Ardee.
“This is critical. All our fights from hereon are critical. There are no two ways about it. We need to win,” sabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines executive director Ed Picson.
Nauna nang nasibak sa torneo sina bantamweight Mario Fernandez, ang back-to-back SEA Games champion, at lightweight Charly Suarez, ang silver medalist noong 2014 Asian Games sa Incheon, sa mga boksingero ng Kazakhstan.
Umabante si Ladon sa quarterfinals mula sa kanyang 3-0 win kay Rakhmankul Avatov ng Kyrgyzstan noong Linggo kung kailan din nanalo si Marcial kay second seed Israil Madrinov ng Uzbekistan.