MANILA, Philippines – Nakapuwesto man sa semifinals ay tiyak na magiging maaksyon pa rin ang pagkikita ng Ateneo at NU sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May magkatulad na 6-0 karta ang Eagles at Bulldogs para makapuwesto na sa susunod na round pero mahalaga pa rin ang makukuhang panalo dahil ang tatanghaling number one matapos ang yugtong ito ang siyang makakalaban ng number four team sa Final Four.
Dakong alas-3 ng hapon magsisimula ang tagisan ng mga koponang naglaban sa UAAP title noong nakaraang taon matapos ang pagtutuos ng FEU Tamaraws at St. Benilde Blazers sa ala-1.
May 1-5 karta ang Ta-maraws, Blazers at UP Maroons na pawang talsik na sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Namamayagpag ang UAAP champion Eagles sa liga matapos pangunahan ang Best Spikers, Best Servers at Best Receivers.
Magdadala ng laban sa Eagles ang UAAP MVP na si Marck Jesus Espejo na number five sa scoring sa 126 puntos at siyang nasa unang puwesto sa Best Spikers category.
Sa kabilang banda, kakapit ang Bulldogs sa lakas sa blocking sa pagtutulungan nina Madzlan Gampong, Bryan Bagunas at Ysrael Wilson Marasigan na nagsanib sa 43 blocks sa torneo.