Ahanmisi pumirma na sa Painters
MANILA, Philippines - Matapos sina top overall picks Moala Tautuaa at Jeth Troy Rosario, si No. 3 selection Maverick Ahanmisi naman ang pumirma ng kontrata para sa kanyang paglalaro sa PBA.
Lumagda ang 24-anyos na Fil-Nigerian sa Rain or Shine ng two-year, maximum deal na nagkakahalaga ng P4.5 milyon.
Nagpakitang-gilas si Ahanmisi sa kanyang paglalaro para sa Café France sa PBA D-League.
Marami ang nagulat nang piliin siya ni coach Yeng Guiao at inisnab ang ilang potensyal na first-round hopefuls.
Sa kanyang unang taon para sa Painters ay tatanggap si Ahanmisi ng P1.8 milyon at P2.7 milyon sa kanyang ikalawang taon.
Nauna nang pumirma sina Tautuaa at Rosario ng parehong three-year, maximum contract na P8.5 milyon sa Talk ‘N Text.
Nahugot ng Tropang Texters ang 6-foot-6 na si Rosario matapos ibigay sina forward Rob Reyes at guard Kevin Alas sa Mahindra Enforcers (dating Kia).
Dinala naman ng Mahindra sina Reyes at Alas sa NLEX kapalit nina Nino Canaleta at Gilas pool member Aldrech Ramos.
- Latest