MANILA, Philippines - Kung magiging matagumpay ang ginagawang kampanya ng Philippine Azkals sa 2018 World Cup Qualifier ay kasabay nito ang pagsibol pa ng football sa bansa.
Ito ang sinabi ni Dan Palami, team manager ng Azkals na siyang nagpasimula sa pagbuo ng Azkals para bumalik ang interes ng tao sa numero unong sport sa mundo.
“We help the sport by winning,” wika ni Palami. “The more popular football gets, the more kids play the sport. More players mean more support for the sport and hopefully, the national team.”
Sa Setyembre 8 ay maglalaro uli ang Azkals sa Philippine Stadium sa Bocaue, Bulacan at kalaban nila ang matibay ding Uzbekistan na kung saan hanap ng home team ang ikatlong sunod na panalo para manatiling matibay ang hangaring umabante sa third round.
Tinalo na ng Azkals ang Bahrain (2-1) at Yemen (2-0) ngunit masasabing ang laban sa Uzbekistan ang simula ng tunay na pagsubok sa Nationals.
Galing sa talo ang Uzbekistan sa North Korea, 2-4, kaya’t tiyak na nakatuon ang dayuhang koponan na bumangon nang makabalik sa kompetisyon.
“We still think they are the strongest team in the group. We need all the support we can get, we have to protect our homfield,” ani pa ni Palami.
Para mapaghandaan ang laban ay magkaroon ng tune-up game laban sa Maldives sa Setyembre 3 sa Rizal Memorial Football stadium.
Nasa 23 manlalaro ang tinapik para sa Uzbekistan at sa galing ng mga manlalaro at suporta ng manonood ay may tsansang magpatuloy ang magandang ipinakikita ng Azkals sa Qualifiers.