MANILA, Philippines - Sisimulan ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa 2015 Jones Cup sa pagsagupa sa Chinese-Taipei A bukas ng alas-7 ng gabi sa Xinchuang Gymnasium sa Taipei.
Ngunit inaasahan ding tututukan ni Gilas head coach Tab Baldwin at ng kanyang coaching staff ang bakbakan ngayon ng Iran at Korea sa ala-1 ng hapon at ang laro ng Chinese Taipei A at Japan sa alas-7 ng gabi.
Umaasa ang Gilas coaching staff na malalaman nila ang kalakasan at kahinaan ng naturang mga koponan na kagaya nila ay lalahok din sa FIBA Asia Championship sa Changsa, China.
Ang iba pang maglalaro sa Day One ng 2015 Jones Cup ay ang Chinese Taipei B laban sa Wellington Saints ng New Zealand sa alas-3 ng hapon at ang laro ng USA Select-Overtake at Spartak Primorye ng Russia sa alas-5.
Matapos ang kanilang first-day rest ay walong sunod na laro ang sasabakan ng Gilas, ang four-time Jones Cup champions, sa torneong magtatapos sa Setyembre 6.
Nilinaw ni Baldwin na hindi mahalaga sa kanila ang paghahari sa nasabing event kundi ang pagganda ng kanilang laro para sa Asian qualifying event ng Olympics sa China sa Sept. 23-Oct. 3.
“Everything that leads up to (FIBA Asia) is about getting better, not about trying to win a game or get a medal. If it happens, and obviously we try to win every game we play, it’s a bonus for me,” wika ni Baldwin.
Kasalukuyan pang binubuo ni Baldwin ang kanyang Final 12 kaya 17 players ang kanyang dinala para sa 2015 Jones Cup.
Nasa Gilas roster sina Andray Blatche, Moala Tautuaa, Sonny Thoss, Asi Taulava, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Troy Rosario, Aldrech Ramos, Gabe Norwood, JC Intal, Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, Gary David, Matt Rosser, Jason Castro, Terrence Romeo at Jimmy Alapag,
Inaasahang papangalanan ni Baldwin ang kanyang core group bago matapos ang Jones Cup na huling pinagharian ng Gilas Pilipinas noong 2012.
Kukumpletuhin ng Team Phl ang kanilang 14 warm-up games para sa FIBA Asia sa pamamagitan ng tatlong laro kontra sa Chinese Taipei, Lebanon at Wellington Saints sa MVP Cup sa Manila sa Sept. 11-13.