MANILA, Philippines – Matagal naging sparmates sina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at British star Amir Khan.
Dahil dito ay naging magkatulad ang kilos at istilo ng 36-anyos na si Pacquiao at ng 28-anyos na si Khan sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.
Kaya naman ayaw ni Roach na itapat ang 5-foot-6 na si Pacquiao sa 5’8 na si Khan dahil magiging ‘boring’ lamang ang laban ng dalawa.
“Amir Khan and Pacquiao have too much of a similar style where it might be a little boring with two in and out boxers with good speed and so forth,” sabi ni Roach.
Isa ang pangalan ni Khan, nagdadala ng 31-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs, sa nabanggit ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na maaari niyang itapat kay Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) sa susunod na taon. Bukod pa si WBO lightweight welterweight king Terence Crawford (26-0-0, 18 KOs) na nakatakdang labanan ang Canadian challenger na si Dierry Jean (29-1-0) sa Oktubre 24.
Ngunit hindi sina Khan at Crawford ang gustong isagupa ni Roach kay Pacquiao.
Sinabi ng Hall of Fame trainer na mas magiging kapana-panabik kung maitatakda ang pagharap ni Pacquiao kay WBC at WBA light welterweight ruler Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs).