(The Arena, San Juan City)
1 p.m. FEU vs St. Benilde
3 p.m. Ateneo vs National University
MANILA, Philippines – Nanatiling nakatutok ang NCBA Wildcats sa upuan sa semifinals nang lusutan ang St. Benilde Blazers, 19-25, 16-25, 25-18, 27-25,19-17 sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinasarap ng Wildcats ang panalo sa larong tumagal ng dalawang oras at 12 minuto sa pamamagitan ng pagbangon mula sa 0-2 kalamangan at 13-14 at 14-15 bentahe ng Blazers.
Natapos ang come-from-behind panalo ng Wildcats nang na-block ni Reyson Fuentes si Johnvic De Guzman upang maitabla ang karta sa 3-3.
Katabla ng NCBA ngayon ang Emilio Aguinaldo College Generals sa mahalagang ikaapat na puwesto at kailangan nilang manalo sa UP Maroons sa huling laro sa Setyembre 2 para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa Final Four sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang guest player na si Fuentes ay mayroong 19 kills at limang blocks tungo sa 24 puntos habang sina Jason Canlas, Paul John Domingo at CJ Oclima ay nagbigay pa ng 16, 13 at 11 puntos para manalo ang NCBA gayong may 33 errors sa laro.
Si De Guzman ay mayroong 23 kills at 3 blocks tungo sa 26 puntos ngunit nasayang ito dahil nabigo ang St. Benilde para mamaalam na sa liga sa 1-5 karta.
Hindi naman nakaligtas ang UP Maroons sa paninilat ng FEU Tamaraws sa tinamong 23-25, 25-17, 24-26, 23-25 pagkatalo sa unang laro.