MANILA, Philippines – Tulad sa nakalipas na Asian Games sa Incheon, Korea ay binigyan uli ang lady lifter at two-time Olympian na si Hidilyn Diaz ng qualifying mark ng mga sports officials para masuportahan siya sa hangaring makapasok sa Rio Olympics.
Ngunit sa pagkakataon ito ay inaasahang maaabot ng 4’11 tubong Zamboanga City ang marka dahil konti lamang ang layo nito sa naabot na buhat nang manalo ng ginto sa 1st South East Asian Weightlifting Championships sa Phuket, Thailand.
“Ang ibinigay na condition kay Hidilyn ay kailangang makabuhat siya ng 217-kg. sa gagawing Asian Weightlifting Championships sa September sa Thailand para suportahan siya sa kanyang bid na makalaro sa Rio Olympics,” ani Romy Magat na siyang cluster head ng weightlifting para sa 2016 Games.
Bumaba si Diaz ng timbang at ngayon ay bumalik sa 53-kilograms matapos kumampanya sa 58-kilograms sa huling dalawang Olympics sa Beijing at London at nakapagtala na siya ng 213kg. sa SEAWC.
Makakasama ni Diaz na lalaban sa Asian Championships si Nestor Colonia pero mabigat ang kondisyon ng huli dahil dapat na makabuhat siya ng 280kg sa men’s 56-kilogram division.
Sa ngayon ay 265kg ang pinakamabigat na buhat ni Colonia at kailangang dagdagan niya ito ng 15kgs para maabot ang marka.
Matapos ang Thailand ay balak sumali ni Diaz at Colonia sa World Championships sa Houston, Texas sa Nobyembre na isang Olympic qualifying event.
Nagpalabas ang PSC ng supplemental budget na P28,336.00 para sa gagastusin ng dalawang weightlifters sa Thailand at madaragdagan ito kung maabot ang mga itinokang marka.