MANILA, Philippines – Bago pa man ang 2015 PBA Rookie Draft ay nagpahayag na ang Talk ‘N Text na gusto nilang itambal kay No. 1 overall pick Moala Tautuaa si No. 2 overall selection Jeth Troy Rosario.
At alam ng Tropang Texters ang paraan para mangyari ito.
Sinasabing papasok ang Talk ‘N Text sa isang three-team trade kasama ang Mahindra (dating Kia), ang kumuha kay Rosario bilang second overall pick, at NLEX.
Sa isang senaryo ay makukuha ng Tropang Texters ang 6-foot-6 na si Rosario mula sa Mahindra kapalit ang dalawang player, habang ibibigay naman nila si guard Kevin Alas sa Road Warriors.
Si Rosario ang naging susi sa paghahari ng National University Bulldogs sa nakaraang UAAP season nong nakaraang taon at nagbida sa Gilas Cadets team sa pagsikwat sa gold medal ng nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Nang tawagin ang pangalan ng 6’7 na si Tautuaa bilang No. 1 overall pick ng Talk ‘N Text sa 2015 PBA Rookie Draft noong Linggo ay ibinigay nina assistant coach Josh Reyes at guard Matt Ganuelas-Rosser sa Fil-Tongan ang isang TNT shirt ilang oras bago sila umuwi ng Pilipinas matapos sumabak sa isang mini tournament sa Estonia
Narinig si coach Jong Uichico na nagsabing: “You give that (shirt) also to Troy (Rosario).”
Sina Tautuaa at Rosario ay bahagi ng Gilas Pilipinas na lumahok sa naturang torneo sa Estonia at hindi nakadalo sa 2015 PBA Rookie Draft sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.