MANILA, Philippines – Hindi nagpabaya ang National University Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws para makuha ang mga straight sets panalo sa magkahiwalay na laro sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng 13, 11 at 11 puntos ang mga inaasahan sa NU na sina Dindin Manabat, Myla Pablo at Jaja Santiago para itulak ang koponan sa 25-19, 25-21, 25-18 panalo sa St. Benilde Lady Blazers.
Hindi nagpahuli ang nagdedepensang kampeon Lady Tamaraws dahil dominado nila ang attack, block at serve departments tungo sa mas madaling 25-7, 25-11, 25-15 tagumpay sa La Salle-Dasmariñas Lady Patriots.
Ang mga panalo ay nagresulta para saluhan uli ng Lady Bulldogs at Lady Tamaraws ang pahingang UST Tigresses sa ikalawang puwesto sa 4-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Kailangan na lamang ng tatlong nabanggit na koponan na manalo ng isa sa huling dalawang laro para samahan ang walang talong Ateneo sa Final Four.
Ang Lady Blazers ay natalo sa ikalimang sunod na pagkakataon habang bumagsak ang Lady Patriots sa 1-4 baraha upang samahan ang UP Lady Maroons na talsik na sa torneo.
Tanging ang Arellano Lady Chiefs na lamang ang puwedeng humabol ng playoff sa huling upuan sa semis pero dapat ay maipanalo nila ang huling dalawang laro laban sa Lady Patriots at Lady Blazers kasabay ng panalangin na isa sa UST, NU at FEU ang mapako sa apat na panalo.
May 38-24 bentahe ang NU sa attack points at 6-1 angat sa blocks at nangyari ito dahil kina Pablo at Manabat.
Kumana ng siyam na kills at dalawang blocks si Pablo habang ang 6’2 na si Manabat ay may 8 kills at 2 blocks. May tatlong aces pa siya para maisantabi ng Lady Bulldogs ang 28 errors sa laro.
Sina Toni Rose Basas at Heaather Anne Guino-o ang nanguna sa Lady Tams sa kanilang tig-10 puntos.
May siyam na kills si Basas habang anim mula sa walong puntos ni Jovelyn Gonzaga ang nakatulong para sa 36-18 bentahe sa attack.
Lalo pang nabaon ang Lady Patriots sa masamang reception dahil binigyan nila ng 13-0 kalamangan ang FEU sa serve.
Si Guino-o ay may apat na aces habang ang setter na si Kyle Angela Negrito ay may tatlo pa upang maisama sa 16 excellent sets.