MANILA, Philippines – Katulad ng dapat asahan, hinirang ng Talk ‘N Text si Fil-Tongan Moala Tautuaa bilang No. 1 overall pick, habang hinugot naman ng Mahindra (dating Kia) si collegiate standout Jeth Troy Rosario bilang No. 2 selection sa 2015 PBA Rookie Draft sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Ngunit umagaw ng eksena ang Rain or Shine, Meralco, Barangay Ginebra at NLEX nang kumuha ng mga point guards para sa kanilang darating na kampanya sa 41st PBA season.
Kinuha ng Elasto Painters bilang No. 3 overall pick si Fil-Am guard Maverick Ahanmisi, naglaro para sa Cafe France sa PBA D-League, habang hinugot ng Bolts si dating Ateneo Blue Eagles’ guard Chris Newsome bilang No. 4 selection.
Pinagbasehan naman ng Gin Kings ang pagiging 2014 NCAA Most Valuable Player awardee ni 6-foot-1 Earl Scottie Thompson ng Perpetual Altas para hiranging No. 5 overall.
Ang pagiging lider ng five-peat champions na San Beda Red Lions ang pinahalagahan ng Road Warriors para kunin si guard Garvo Lanete bilang No. 6 pick.
Nakatakdang umuwi ngayon sina Tautuaa at Rosario matapos ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa isang mini tournament sa Estonia kung saan sila nagtala ng 0-3 record.
“I have to thank coach Ariel (Vanguardia) of Malaysia Westports Dragons for introducing Mo to the PBA,” sabi ni Moala Tautuaa Sr. kasama ang inang Pinay ng 6-foot-7 center na si Romanita.
Ang iba pang nahugot sa first round ay sina Red Lions’ guard Baser Amer (No. 7, Meralco), La Salle center Norbert Torres (No. 8, Star), San Beda scorer Arthur Dela Cruz (No. 9, Blackwater), NU Bulldogs’ forward Glen Khobuntin (No. 10, NLEX), Letran forward Kevin Racal (No. 11, Alaska) at Mapua standout Josan Nimes (No. 12, Rain or Shine).
Napili naman sa second round sina Almond Vosotros (No. 13, Blackwater), Bradwyn Guinto (No. 14, Blackwater), Don Trollano (No. 15, Rain or Shine, (Aljon Mariano (No. 16, Ginebra), Simon Enciso (No. 17, Rain or Shine), Marion Magat (No. 18, Alaska), Kris Rosales (No. 19, Barako Bull), JP Mendoza (No. 20, Alaska), Michael Miranda (No. 21, Barako Bull) at Abel Galliguez (No. 22, Alaska).
Magsisimula ang 41st PBA season sa Oktubre 18 sa pagbubukas ng PBA Philippine Cup.