MANILA, Philippines – Nakabuti para kay John Chicano ang pagpapalit ng karera sa Philippine National Trials para angkinin ang male elite title kahapon sa Iloilo City.
Nagdesisyon ang mga nagpakarera na hindi na triathlon (750m swim, 40k bike, 10k run) gawin ang karera dahil sa malakas na alon dulot ng bagyong Ineng.
Sa halip ay ginawa na lamang ito sa duathlon race (8k run, 38k bike, 6k run) at sinandalan ni Chicano ang galing sa pagtakbo para isantabi ang hamon ni SEA Games gold medalist Nikko Huelgas.
Lumabas bilang pinakamatulin sa dalawang run leg, si Chicano ay naorasan ng isang oras, 58 minuto at 20 segundo para ungusan ng 48 segundo si Huelgas (1:59:08). Si Mark Hosana ang pumangatlo sa 2:00:55 tiyempo.
Nagsikap sina Huelgas at Hosana na habulin si Chicano sa bike leg at nagawa nila ito dahil sila ang nagsumite ng unang dalawang pinakamatulin na oras sa bike habang pumangatlo si Chicano.
Pero ubos na sina Huelgas at Hosana sa huling run para makahulagpos si Chicano at iuwi ang P10,000 premyo.
Si Kim Mangrobang na nanalo ng pilak sa Singapore ang nag-iisang lumahok sa female elite para agad na makuha ang karera. Siya ay naorasan ng 2:16:47.
Ang nanalo ng ginto sa SEAG na si Claire Adorna ay naglaro lamang sa sprint dahil nagpapagaling pa sa kanyang left foot injury.
Nanalo si Adorna sa female overall sa 4k run, 20k bike, 2.6k run race sa 1:28:11 habang si Edward Vince Jared Macalalad ang kampeon sa kalalakihan sa pinakamabilis na oras na 1:12:23.
Lutang ang galing ni Adorna kahit may iniinda dahil malayo ang agwat niya sa pumangalawang si Ma-an Maroma na may 2:15:21 oras. Ang ikatlong puwesto ay nakuha ni Aiza Jean Diamante sa 2:16:14 oras.
Tinalo naman ni Macalalad si Julius Constantino (1:19:04) at national coach George Vilog (1:20:32). (AT)