MANILA, Philippines - Binigyan ni LeBron James ng makabuluhang karanasan ang 12 manlalaro na pumasa sa isinasagawang Nike Rise basketball reality program.
Noong Huwebes ng gabi sa Mall of Asia Arena ay ipinakilala ang 12 manlalaro at nagkaroon sila ng pagkakataon na makaharap at makalaro ang NBA star na naglalaro sa Cleveland Cavaliers.
Ipinakita rin ni James ang mga ritual na ginagawa sa dugout bago ang isang laro at sa aksyon ay itinuro ang ilang mga galaw na hinangaan sa kanya.
“More than teaching them skill sets, it’s about the inspiration that comes behind it. The stories that I can give them, tell them about the game. It’s up to them to use that, to better themselves. That is more important than anything else,” wika ni James.
Matapos ang kaganapan ay naglaan din ng oras si James para tumungo sa Tenement Court sa Bicutan.
Sa lugar na ito mainit na isinasagawa ang larong street ball kahit hindi ganoon kaganda ang pinaglalaruan.
Hindi makakalimutan ang pagbisita na ito ni James sa nasabing lugar dahil ikinabit sa inayos na palaruan ang imahe ni James na naglalaro.
Matapos nito ay tumuloy ang 4-time NBA MVP at two-time champion habang naglalaro sa Miami Heat, sa Nike store sa Bonifacio High Street para pormal na ipakilala ang LeBron 12 Low.
Ang sapatos na ito ay dinisenyo ni Filipino Nike designer Erick Goto at ang kulay sa bandila ng Pilipinas na asul, pula at dilaw ay makikita sa nasabing sapatos.
Ito ang ikalawang pagkakataon na pumunta sa bansa si James at ang una ay nangyari noong 2013 at dinumog din siya ng mga panatiko na siya ring nangyari ngayon.