MANILA, Philippines - Mataas ang kumpiyansa ng National U-19 men’s football team sa tsansang umabot sa semifinals sa Asean Football Federation (AFF) U-19 Championship sa Vientiane, Laos.
Mga manlalarong nakasama sa National U14 at U16 ang hinugot at pinalakas pa sa pagpili ng mga mahuhusay na booters na naglaro sa Palarong Pambansa para balikatin ang laban ng bansa sa kompetisyong mula Agosto 22 hanggang Setyembre 5.
Sa sendoff ceremony na ibinigay ng Philippine Football Federation (PFF) sa Shakey’s Harizon Plaza noong Miyerkules ng gabi, ginarantiya ni coach Dan Padernal na palaban ang koponan matapos ang limang linggong pagsasanay na kinatampukan ng pagdaraos ng mga tune-up games hindi lamang sa mga paaralan kungdi pati sa mga club teams na Global FC at Stallion FC.
“This is a happy mix of players from Manila and from the provinces. Most of them have played for the U14 and U16 and their experience competing outside the country will help the team,” wika ni Padernal.
Sampung bansa ang magtatagisan sa kompetisyon at ang Pilipinas ay nakasama ang malakas na Thailand, Brunei, Cambodia at host Laos. Ang kabilang grupo ay binubuo ng Vietnam, Myanmar, Singapore, Malaysia at Timor Leste.
Unang laro ng Pilipinas ay laban sa Brunei sa Agosto 22 bago sundan ng tagisan kontra Thailand sa Agosto 26, Cambodia sa Agosto 27 at Laos sa Agosto 30.
Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat pangkat ay papasok sa semifinals.
Kinatawan sa seremonya ng PFF si secretary-general Edwin Gastanes at iginiit na ang pagpapadala ng koponan sa ilang mga kompetisyon ay bahagi ng plano ng NSA para ma-expose ang mga manlalaro at makita kung saan na ang antas ng football sa ganitong age brackets.
Ang AFF tournament ay magsisilbing tune-up ng U19 team dahil kasali rin sila sa mas mabigat na 2016 AFC U-19 Championship Qualification sa Laos mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 6.
Umalis kahapon ang delegasyon para magkaroon ng panahon na makapagsanay sa paglalaruang pitch.