MANILA, Philippines - Apat na sparmates ang planong kunin ni trainer Arnulfo Obando para sa training camp ni Nicaraguan world flyweight king Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez sa paghahanda kay Fil-Am challenger Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
Ang mga ito ay sina Henry Maldonado, Carlos Buitrago, Felix Alvarado at Elvis Guillen.
“Carlos and Felix are very strong fighters with experience in world titler fights,” sabi ni Obando kina Buitrago at Alvarado. “The problems we have right now are the visas. We are going through the procedures. If we manage to get them, the sparring partners will travel to the camp in September.”
Nasa maigting na paghahanda na rin si Viloria para sa hangad niyang muling makapagsuot ng world boxing belt.
Dating hawak ni Viloria ang World Boxing Association at World Boxing Organization flyweight titles at nagkampeon sa light flyweight division ng World Boxing Council.
Itataya naman ni Gonzalez ang kanyang bitbit na WBC flyweight crown kontra kay Viloria sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Pipilitin ng 34-anyos na si Viloria (36-4-0, 22 KOs) na maagaw sa 28-anyos na si Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) ang hawak na korona.
Ang Viloria-Gonzalez fight ay nasa undercard ng laban nina Gennady Golovkin at David Lemiuex na isasaere ng HBO sports via pay-per-view.
Matapos maagaw ang kanyang mga suot na WBA at WBO flyweight belts ni Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang kinuha ni Viloria na may tatlong knockout.
Ang huling pinatumba ni Viloria ay si dating world title challenger Omar Soto sa first round noong Hulyo 25 sa Hollywood, California.