Laro sa Lunes (The Arena, San Juan City)
1 p.m. UP vs EAC
3 p.m. La Salle vs FEU
5 p.m. NCBA vs Ateneo
MANILA, Philippines – Nakitaan ng mas magandang team work ang Ateneo Eagles upang maisantabi ang isa pang career-game ni Howard Mojica sa itinalang 25-21, 20-25, 25-23, 25-23 panalo sa Emilio Aguinaldo College Generals sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Marck Jesus Espejo bitbit ang 25 puntos ngunit nakuha niya ang suporta nina Ysrael Wilson Marasigan, Joshua Villanueva at Rex Intal para angkinin na ang isang upuan sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera sa 5-0 baraha.
Sina Marasigan, Villanueva at Intal ay nagsanib sa 33 puntos para pawiin ang patuloy na pagpapasikat ni Mojica.
Matapos ang 35 puntos laban sa St. Benilde Blazers noong Lunes, ang NCAA MVP na si Mojica ay may bagong league-high na 41 puntos, tampok ang 38 kills.
Ang laro ay tapatan ng mga kampeon sa UAAP at NCAA at kahit naging dikitan ang third at fourth set ay nagawang angkinin ito ng Eagles sa mga pamatay na kills nina Espejo at Marasigan.
Ikalawang sunod na pagkatalo ito ng Generals at bumaba sila sa ikalimang puwesto matapos gulatin ng NCBA Wildcats ang dating mainit na La Salle Archers sa ikalawang laro.
Sa halip na panghinaan matapos matalo sa unang dalawang sets, ang Wildcats ay nagtiwala sa kanilang kakayahan para maipanalo ang sumunod na tatlong sets tungo sa 25-27, 22-25, 25-22, 25-23, 15-9 panalo.
Sina Paul John Domingo, Eden Canlas, Jason Canlas at Reyson Fuentes ay nagtala ng 19, 16, 15 at 15 puntos at pinasiklab nila ang 63-49 dominasyon sa attacks, 12-10 bentahe sa blocks at 5-4 kalamangan sa aces.
Bunga nito ay nagtabla ngayon ang NCBA at La Salle sa mahalagang ikatlo at apat na puwesto sa 2-2 karta.
Sina Raymark Woo, John Onia at Ralph Christian Calasin ay may 18,15,13 para sa Archers ngunit natahimik sila sa fifth set para maputol na ang kanilang apat na dikit na tagumpay.