Cycling, sailing susubok pumasok sa Rio
MANILA, Philippines - Magiging abala ang mga manlalaro sa cycling at sailing sa buwan ng Setyembre dahil isasalang sila sa malalaking torneo sa hangaring makakuha ng puntos para sa 2016 Rio Olympics.
Ang PhilCycling ay tumanggap ng imbitasyon mula sa international federation UCI para sa sumali sa World Road Championships sa Richmond, Virginia mula Setyembre 19- 27.
Ayon kay POC chairman Tom Carrasco at isa sa apat na sports officials na bumubuo sa Rio Games Committee na itinatag ng NOC, nagpasabi ang PhilCycling na magsali ng kinatawan sa Virginia dahil magandang paraan ito para makalaro sa 2016 Games.
“Ang competition ay isang under-23 event at balak ng PhilCycling na magpadala ng anim na tao. Nation points ang ibinigay ng UCI at kung mapasama sa top four ang Pilipinas ay awtomatiko na magkakaroon ng puwesto sa Olympics,” wika ni Carrasco.
Nais naman sumali ng Philippine Sailing Association sa ISAF World Cup sa Qingdao, China at gagawin mula Setyembre 14-20.
Sa 470 event sasali ang Pilipinas at ang partisipasyon ay ginawa nang nalaman na ang magpapalaro ang siyang magpapahiram ng mga bangkang gagamitin sa mga lalahok.
Humihingi ng supplemental budget ang cycling ng P750,000.00 habang P890,000.00 ang pondo na kailangan sa sailing na nilalakad ng POC sa PSC.
- Latest