MANILA, Philippines - Sa pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Leyte noong Nobyembre ng 2013 ay namatay ang kanyang lola at pitong kamag-anak.
Ngunit ang malungkot na pinagdaanan ay may magandang bunga.
Matapos ang ilang linggo ay pinagharian naman ni Fil-Australian professional golfer Jason Day ang individual crown sa World Cup sa Melbourne, Australia at nakipagtambal kay Adam Scott para kunin ang team championship.
Isa lamang ito sa mga katangiang Pinoy na ipinakita ng 27-anyos na si Day, ang inang si Dening ay tubong Tacloban, Leyte.
“I was so excited, I was so proud of him,” ani Dening sa panayam ng Australian Broadcasting Corp. matapos magkampeon si Day sa PGA Championship sa Sheboygan, Wisconsin.
Ibinulsa rin ni Day, lumaki sa Beaudesert, Queensland, ang premyong $1.8 milyon.
Tinapos niya ang laro sa pamamagitan ng inihataw na 5-under 67 para sa kanyang three-shot victory at bumasag sa major championship record ni Tiger Woods para sa pinakamaraming strokes under par para sa 20 under.
Bago nakamit ni Day ang una niyang major title ay kinailangan ni Dening na ibenta ang kanilang tahanan para maipasok ang anak sa isang golf academy.
“I remember growing up, we were poor. I remember watching her cut the lawn with a knife because we couldn’t afford to fix the lawn mower,” sabi ni Day sa kanyang inang si Dening na nanirahan sa Australia tatlong dekada na ang nakararaan.
Ang ama ni Day na si Alvin na nagpakilala sa kanya sa golf ay namatay dahil sa cancer noong 1999 nang siya ay anim na taong- gulang pa lamang.