MANILA, Philippines - Tumibay ang paghahabol ng Natonal University ng puwesto sa semifinals habang binuhay pa ng St. Benilde ang kanilang tsansa nang manalo ang mga ito sa pagsisimula ng Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Mas matibay ang depensa ng NU at nakahirit pa ng 32 puntos mula sa errors ng UP Maroons tungo sa 26-24, 25-19, 26-24 tagumpay para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Isang paa na ng Bulldogs ang nasa semifinals habang ang Maroons ay nalagay sa alanganin sa paglasap ng pangatlong pagkatalo sa apat na laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Tig-12 puntos ang ginawa nina Bryan Bagunas at Madzlan Gampong upang makadikit ang Bulldogs sa Maroons sa attack points, 37-38.
Pero ang pangunahing puwersa nila ay ang blocking at sina Gampong at Francis Saura ay may tig-dalawa para bigyan ang Bulldogs ng 6-3 bentahe.
Ang liberong si Ricky Marcos ay may siyam na excellent digs para hawakan ng NU ang 21-15 bentahe sa aspetong ito.
Nasayang ang pinagsamang 30 puntos nina Wendel Miguel at Alfred Gerard Valbuena dahil natalo ang Maroons.
Hindi naman hinayaan ng St. Benilde na mapahiya uli sila sa Emilio Aguinaldo College Generals nang kunin ang 25-22, 21-25, 16-25, 25-22, 15-13 panalo sa ikalawang laro.
Ang dalawang koponang ito ang nagkita sa NCAA men’s volleyball finals at nanalo ang Generals.
Inakala na mauulit ito nang hawakan ng EAC ang 13-11 bentahe mula sa net violation ngunit nakapagtala ng kill si Johnvic De Guzman bago nasundan ng magkasunod na unforced errors sa Generals para hawakan ng Blazers ang match point, 14-13.
Natapos ang laro sa patusok na atake galing kay Ron Julian Jordan para sa kauna-unahang panalo ng koponan sa liga.
May 21 kills, 3 blocks at 1 ace tungo sa 25 puntos si De Guzman habang 14 at 12 ang hatid pa nina Racmade Etrone at Isaah Arda.
Hindi nagpahuli ang pambato ng EAC at NCAA MVP na si Howard Mojica sa pinakawalang league-high 35 puntos mula sa 29 kills at 4 blocks.
Pero nadepensahan siya sa krusyal na yugto sa fifth set upang bumaba sa 2-2 karta ang EAC.