MANILA, Philippines – Nagbunga ang paghihirap ni Sixto Ducay nang pangunahan niya ang Pilipinas sa dalawang pilak at isang tansong medalya sa idinaos na ASTC ParaTriathlon Championships 2015 kahapon sa Sands of Triboa sa Subic Bay Freeport.
Ang 47-anyos na si Ducay na may diperensya sa kaliwang braso ay bumangon mula sa malayong pang-limang puwesto sa swim leg sa mainit na pagpapakita sa bike at run at makuha ang silver medal sa PT4.
Anim na kategorya ang pinaglabanan sa distansyang 750m swim, 18k bike at 5k run at si Ducay ay naorasan ng 1:17:30.
Si Keiichi Sato ng Japan ang nanalo sa kanyang oras na 1:07:20 na siyang pinakamabilis sa lahat.
Si Seo Jeong Guk na national champion ng Korea ang pumangatlo sa kanyang 1:20:25 bilis.
Tinalo ni Andy Avellana ang kababayang si Arnel Aba para sa pilak sa PT2 sa 1:51:00 laban sa 1:56:51 ng huli upang malagay sa pangalawang puwesto sa pitong bansang naglaban.
May mga qualifying points na nakuha ang top three na magagamit nila para makasali sa 2016 Rio Paralympics.