MANILA, Philippines – Inagaw ng mga baguhang sina Alvin Nicolas, Jr. ng Central Bicol State of Agriculture at Macrose Dichoso ng University of the East Manila ang eksena nang magkampeon sa 21-kilometer event ng 39th National MILO Marathon sa Naga noong Linggo.
Nakilahok si Naga City Mayor John Bongat para pasimulan ang 5K race.
Nagrehistro ang 21-anyos na si Nicolas ng oras na 01:12:04 para talunin sina Gilbert Laido (01:17:07) at Ernie Payong (01:18:05) sa men’s division.
Bumandera naman si Dichoso sa women’s class nang magposte ng bilis na 01:35:50 para ungusan sina Marilyn Bermundo (01:45:52) at Gemma Payong (01:46:16).
Kapwa nakamit nina Nicolas at Dichoso ang premyong P10,000 pati na ang tiket para sa Milo National Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Ang hihiranging Milo Marathon King at Queen ay may pagkakataong makalahok sa bigating 2016 Boston Marathon.
Sinabi ni Nicolas, isang Agricultural Engineering student, na ang target niya ay malampasan ang kanyang personal time na 1:35:00.
“Ito na ang pinakamaganda kong time,” sabi ni Nicolas, naghari sa 10k event sa Naga noong nakaraang taon, matapos ang karera.
Ito rin ang kauna-unahang panalo ni Dichoso sa 21K race makaraang magreyna sa 10K at 5K races.
Mula sa Naga ay dadalhin ang mga qualifying legs ng Milo Marathon sa Lucena (August 30), Iloilo (September 20), Bacolod (September 27), Tagbilaran (October 4), Cebu (October 11), General Santos (October 18), Davao (November 8), Butuan (November 15) at Cagayan De Oro (November 22).