MANILA, Philippines - Magtatangka ang anim na para triathletes ng bansa na maigupo ang hamon ng mga dayuhan sa paglarga ng ASTC ParaTriathlon Championships (APC) 2015 sa Linggo sa Subic Bay Freeport.
Ang mga panlaban ng Pilipinas sa iba’t-ibang kategorya ay sina Sixto Ducay, Godfrey Taberna, Arnel Aba, Andy Avellana at ang kambal na sina Joshua at Jerome Nelmida.
Ang torneo na inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) at may basbas ng Asian Paralympic Committee at Philspada ay isang qualifier para sa 2016 Rio Paralympics na kung saan ang triathlon ay isang demo sport.
May kaakibat na puntos ang ibibigay sa puwesto na tinapos ng isang kalahok at magagamit nila ito para tumaas ang rankings sa hangaring makasali sa Rio Games.
Ang distansya ng kompetisyon ay 750mswim, 18k bike, 5k run at ang mga susukat sa panlaban ng Pilipinas ay mula sa mga bansang Japan, Malaysia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Hong Kong at Korea. Suportado pa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Tourism Department, Philippine Sports Commission (PSC), ASTC, Asian Centre for Insulation Philippines, Gatorade, SPEEDO, Philippine Olympic Committee at Standard Insurance ang mga kategoryang paglalabanan ay sa men’s at women’s Tri1, Tri2, Tri3, Tri4 at Tri5.
Inaasahang malaki ang laban para sa ginto nina Aba at Avellana dahil ang tanging katunggali nila ay ang Hapon na si Kenshiro Nakayama sa Men’s Tri2 habang sina Ducay at Taberna ay mapapalaban sa Men’s Tri4 dahil sa paglahok ng tig-dalawang Japanese at Koreans athletes.