LAS VEGAS-- Habang ang maraming bansa ay naghahabol pa para makapasok sa 2016 Rio Olympics sa larangan ng basketball, ang US ay nagpaplano na sa pagbuo ng malakas na koponan hindi lamang para sa susunod na taon kundi sa mga hinaharap pang Olympics.
May 40 NBA players bukod pa sa mga coaches at team officials ang nagpakuha ng larawan na malinaw na mensahe na may pagkukuhanan ng talento ang US para sa 2020 Tokyo Games at sa susunod pang Olympics.
Si coach Mike Krzyzewski ang siyang didiskarte sa Rio Olympics at ipinagmamalaki niya na hindi mauubusan ng mahuhusay na manlalaro ang USA para matiyak na magpapatuloy ang dominasyon sa mga susunod na Summer Games.
Si Jerry Colangelo ang chairman ng USA Basketball at siya ang nagpasimula ng pagkuha sa mga NBA players para sa national team matapos ang bronze medal na pagtatapos sa Athens nong 2004.
Mula rito ay may 75-1 karta ang US sa mga sinalihang kompetisyon.
Sina Carmelo Anthony at Chris Paul ang mga inaasahang maglalaro sa Rio Olympics at puwede pa silang samahan ng mga bata pero mahuhusay na manlalaro tulad ni NBA Season MVP Stephen Curry, Anthony Davis at Kyrie Irving.
Kung hindi man mapili agad ang tatlong nabanggit, sila ay tiyak na kasama sa sunod na koponan na ilalaban sa Olympics.
Kapag napili naman sina James at Anthony, sila ang lalabas bilang kauna-unahang NBA players na naka-apat na paglalaro sa Olympics.
Sa ngayon, sina James at Anthony, kasama ang dating San Antonio Spurs center na si David Robinson na nakapaglaro sa tatlong Olympics.
Hanga si Robinson sa inimplementa na programa dahil naramdaman niya noon na nabawasan na ang interes na mapasama sa US basketball team noong 2000 at 2004.