MANILA, Philippines - Ibinigay ni Nesthy Petecio ang lahat ng makakaya laban kay Peamwilai Laopeam ng Thailand ngunit sa huli ay dalawang hurado ang pumanig sa kanyang kalaban para makontento sa pilak sa pagtatapos ng ASBC Asian Women’s Boxing Championships noong Huwebes sa Wulanchabu, China.
Aktibo ang 23-anyos sa kabuuan ng laban habang si Laopeam ay kumukonekta gamit ang kanyang mga jabs na siyang binigyan ng timbang ng mga hurado na sina Dmytro Lazarev ng Ukraine at Mukash Yrsaliev ng Kyrgyzstan na parehong naggawad ng 39-37 iskor.
Si Zhang Jing Jing ng China ang naniwalang panalo ang pambato ng ABAP sa 39-37 iskor.
Ito ang ikatlong pagkikita ng dalawang Lady pugs sa finals at si Peamwilai ay may 2-1 karta. Unang panalo niya kay Petecio ay nangyari noong 2011 SEA Games bago nakabawi ang Pinay boxer sa China Open noong nakaraang taon.
Ito na rin ang ikatlong sunod na pilak na medalya na nakuha ni Petecio sa malalaking torneo matapos ang World Women’s Championships sa Jeju, Korea at sa Singapore SEA Games.
Apat ang panlaban ng Pilipinas pero hindi nakapasok sa medal round sina Josie Gabuco, Irish Magno at Riza Pasuit.
Ang China ang kinilala bilang pinakamahusay sa kompetisyon nang umani ng walong ginto sa 10 weight divisions na pinaglabanan habang pumangalawa ang Thailand bitbit ang dalawang ginto.
Ang Kazakhstan at South Korea ang kumumpleto sa mga bansang nanalo ng medalya sa kompetisyon.