P7.5M paupa ng CIAC sa Clark pinalagan ng POC
MANILA, Philippines - Gagasta rin ng malaki ang Philippine Sports Commission (PSC) kung sakaling ituloy ang plano na magpatayo ng training center sa Clark, Pampanga.
Ito ay dahil sa Memorandum of Agreement (MOA) na ipinadala ng pamunuan ng Clark International Airport Corporation (CIAC) sa PSC ay nakasaad dito na sisingilin nila ang huli ng P150,000.00 kada ektarya na gagamitin sa tinukoy na lupain na kanilang pag-aari.
Aabot sa 50 ektarya ang lupang nais gamitin ng PSC at Philippine Olympic Committee (POC) para mapagpatayuan ng makabagong pasilidad na paglilipatan ng Pambansang manlalaro kaya aabot sa P7.5 milyon ang kailangang ibayad ng PSC sa CIAC taun-taon.
Hindi sang-ayon dito si POC president Jose Cojuangco Jr. dahil ang mga gagamit at makikinabang dito ay ang mga manlalaro na inaasahang maghahatid ng karangalan sa bansa sa mga kompetisyong nilalahukan.
“Maaaring iyan ang singil nila sa mga negosyanteng umuupa sa kanila pero ang makikinabang nito ay ang mga atleta. Wala na ba silang sense of patriotism,” wika ni Cojuangco sa kanyang lingguhang POC On Air.
Payag umano ang CIAC na singilin lamang ang PSC sa mga lupang gagamitin kung hindi masakop ang 50 ektarya.
Noong Marso ay binisita na ng POC at PSC ang lupa kasama si CIAC president at CEO Igmidio Tanjuatco III at ipinarating nina Cojuangco at PSC chairman Ricardo Garcia ang pagnanais na bayaran ito ng P1 kada-taon na upa.
Ngunit may board ang CIAC at ito ang nagdesisyon ng presyo na dapat singilin sakaling matuloy ang paggamit sa lupa para sa training center.
Sa ngayon ay naghahanap uli ang POC ng ibang lugar para magamit kungdi papayag na pababain ang renta ng lupa.
- Latest