MANILA, Philippines – Bumangon ang La Salle Archers mula sa 1-2 set score para maitakas ang 25-22, 24-26, 15-25, 25-13,15-13 panalo sa UP Maroons para angkinin ang ikalawang puwesto sa Group B sa pagtatapos ng Spikers’ Turf Collegiate Conference elimination round kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Lakas sa pag-atake at galing sa digging ang sinandalan ng Archers para wakasan ang unang yugto ng kompetisyon tangan ang apat na sunod na panalo matapos mabigo sa Ateneo Eagles sa opening game.
Sina John Arjay Onia at Raymark Woo ay may 20 at 15 attack points tungo sa 25 at 17 puntos para makapagdomina ang Archers sa kills, 60-38.
May 15 digs ang liberong si Jopet Adrian Movido habang 10 pa ang hatid ni Mike Anthony Frey na tumapos pa taglay ang 10 puntos, upang bigyan din ang nanalong koponan ng 42-22 bentahe sa digs.
Bukod kina Onia,Woo at Frey ay anim na iba pang manlalaro ang umiskor para sa La Salle upang ipatikim sa Maroons ang ikalawang pagkatalo sa limang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Alfred Gerard Valbuena ay humataw ng 21 puntos, tampok ang 18 kills, para pangunahan ang Maroons.
Kinailangan din ng NCBA Wildcats na magpakatatag sa deciding fifth set para makaiwas sa upset na hatid ng UE Warriors, 25-22, 25-20, 21-25, 18-25, 16-14 sa ikalawang laro.
Sina Reyson Fuentes at Jason Canlas ay may tig-11 kills tungo sa 12 at 11 puntos habang may 11 puntos pa si Ralph Jonel Oclima para sa NCBA na tinapos ang aksyon sa elims tangan ang 3-2 win-loss slate.