MANILA, Philippines – Kung may isang bagay na nais na makita si Perpetual Help Altas coach Aric del Rosario sa kanyang mga bataan, ito ay ang huwag maliitin ang kakayanan ng Emilio Aguinaldo College Generals.
“Matapos ang malaking panalo sa Letran, tiyak na mataas ang kumpiyansa nila, kaya nakikita kong mahirap na laban ito,” wika ni Del Rosario.
Magtutuos ang Altas at Generals sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City at hanap ng una ang ikaanim na panalo sa walong laro para manatiling matibay ang kapit sa ikatlong puwesto.
Mag-uunahan ang host Mapua Cardinals at Jose Rizal Heavy Bombers na kumalas sa three-way tie sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto sa ganap na alas-2 ng hapon.
Papasok ang Cardinals bitbit ang tatlong dikit na panalo at babalik na rin sa bench si coach Fortunato Co matapos silbihan ang one-game suspension bunga ng dalawang technical fouls sa naipanalong laro kontra sa Lyceum Pirates.
Ngunit bawas ang puwersa ng Mapua dahil dumanas si CJ Isit ng dislocated right elbow sa huling laro.
Tinapos ng Altas ang dalawang sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 76-66 panalo sa Arellano Chiefs sa huling laro.
Si Bright Akhuetie ay may 31 puntos para pangunahan ang Altas ngunit masusukat uli ang galing ng 6’6 import dahil makakatapat niya ang nagpapasikat na si Hamadou Laminou.
Ang Cameroonian import ng Generals ay gumawa ng 20 puntos, 24 rebounds at 4 blocks habang may 18 puntos at 10 boards si Remy Morada nang silatin ang dating walang talo na Knights, 83-69.
“Maganda ang rebounding namin sa huling mga laro at kung madala namin ito laban sa Perpetual ay may laban kami,” wika ni EAC rookie coach Andy de Guzman na nais ang ikatlong sunod na tagumpay.