MANILA, Philippines – Dinaig ng FEU Tamaraws ang Mapua Cardinals sa limang mahigpitang sets, 25-21, 22-25, 25-16, 21-25, 15-9 para kumpletuhin ang mga koponang aabante sa susunod na round sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Kahit labas-masok sa court ay humataw pa rin ng 16 kills sa 32 attempts si Greg Dolor tungo sa 18 puntos para tulungan ang Tamaraws na selyuhan ang ikaapat at huling quarterfinals slot sa Group A sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Nagtabla pa ang magkabilang koponan sa 5-all sa fifth set bago itinaas ng Tamaraws ang lebel ng paglalaro para sa mainit na pagtatapos.
Sina Jeric Gacutan at Joshua Barrica ay may tig-13 puntos, habang 11 pa ang hatid ni Peter Quiel upang tapusin ng FEU ang laro sa group elimination tangan ang 2-3 baraha.
Ang Emilio Aguinaldo College Generals, National University Bulldogs at NCBA Wildcats ang iba pang pasok na sa quarterfinals sa nasabing grupo habang ang Ateneo Eagles, La Salle Archers, UP Maroons at St. Benilde Blazers ang lumusot sa elims mula sa Group B.
Binalikat nina Philip Michael Bagalay at Anjo Pertierra ang laban ng Cardinals sa kanilang 20 at 15 puntos ngunit ininda ng koponan ang 40 errors para sa ikaapat na pagkatalo sa limang laro at samahan ang UE na pahinga na sa liga.
Sa labanan ng mga walang talong koponan ay nakumpleto ng National University Bulldogs ang 5-0 sweep sa itinalang 25-20, 25-21, 27-25 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Sinakyan ng Bulldogs ang mas magandang pag-atake na kung saan kumubra sila ng 32 puntos sa 75 attempts bukod sa 12 blocks para pumasok sa quarters na hindi natalo matapos ang 5-laro.