TOKYO--Nalungkot si SBP president Manny V. Pangilinan nang matalo ang Pilipinas sa China para sa hosting rights ng FIBA 2019 World Cup.
Ngunit tinanggap na niya ito at ngayon ay nakatutok siya para sa long-term partnership sa Swiss-based international governing body for basketball.
Isang araw matapos ihayag ang nasabing desisyon, dumalo si Pangilinan sa FIBA Central Board meeting at aktibong lumahok sa diskusyon mula umaga hanggang hapon.
Ibinigay ng FIBA Central Board kay Pangilinan ang isang pewter dish na simbolo ng pagkilala ng FIBA sa paglahok ng Pilipinas sa bidding process para sa hosting rights ng 2019 World Cup na lalahukan ng 32 bansa.
“I was given a pewter dish with appreciation of FIBA inscribed on it and asked to say a few words. I simply thanked the Board for listening and considering our presentation and thanked them also for the gift. They were solicitous and friendly. I participated actively in the discussion to show we’re a good sport but my demeanor was one of sadness,” sabi ni Pangilinan.
Apat na Asians lamang ang kabilang sa 26-strong Board at ang mga ito ay sina Sheikh Saud Bin Ali Al Thani ng Qatar, Xiao Tian ng China, Erick Thohir ng Indonesia at si Pangilinan.
Sina FIBA president Horacio Muratore ng Argentina, secretary-general Patrick Baumann ng Switzerland at treasurer Ingo Weiss ng Germany ang mga principal Board officers.
Tatlong miyembro lamang ang iniluklok sa FIBA Board at ito ay sina Pangilinan, Thohir at Julia Anikeeva ng Russia, habang ang iba ay inihalal.
Sinabi ni Pangilinan na bagama’t dismayado siya sa naging desisyon ay gusto naman niyang ipakita na wala siyang sama ng loob.
“The national cause is greater than any personal emotion and a long-term partnership with FIBA is what’s important,” ani pa ni Pangilinan.
“I accept our defeat,” dagdag pa ni Pangilinan. “We can’t change the decision anyway. Let’s just move on.” Pinasalamatan din ni Pangilinan ang Filipino nation para sa pagsuporta sa kanilang bid.