MANILA, Philippines - Makikita ang tunay na katatagan ng nagdedepensang kampeon FEU Lady Tamaraws sa pagharap sa National University Lady Bulldogs sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-12:45 ng hapon mapapanood ang tunggalian sa pagitan ng dalawang koponan na naglaban para sa kampeonato noong nakaraang taon.
Hindi pa natatalo ang Lady Tamaraws matapos ang apat na laro sa Group A at dapat na manatili ang tikas nina Bernadeth Pons, Remy Palma at guest player Jovelyn Gonzaga para maisantabi ang inaasahang inspiradong laro ng Lady Bulldogs.
May 3-1 karta at kasalo ang Arellano sa ikalawang puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera, maglalaro ng kumpleto ang puwersa ng Lady Bulldogs dahil sa pagbabalik nina Dindin Manabat at Myla Pablo para makatuwang uli sina Jaja Santiago at Jorelle Singh.
Ang Lady Chiefs ay makakalaro ang UP Lady Maroons dakong alas-3 ng hapon at puwestuhan na lamang ang kanilang paglalabanan dahil talsik na sa grupo ang PUP Lady Radicals at University of Batangas Mighty Brahmans sa magkatulad na 0-4 baraha.
Huling laro sa alas-5 ng hapon ay sa pagitan ng Ateneo Lady Eagles at TIP Lady Engineers at hanap ng UAAP titlists ang makumpleto ang 5-0 sweep sa Group B.
May 1-3 karta ang Lady Engineers at kasalo sa mahalagang ikaapat na puwesto ang pahingang San Sebastian Lady Stags at La Salle-Dasma Lady Patriots.