MANILA, Philippines - Siya ang tanging boksingerong nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.
Ngunit ipinakita ni Manny Pacquiao ang kanyang pagmamahal sa basketball sa pamamagitan ng pagsama sa Philippine delegation sa pagbi-bid para sa hosting rights ng 2019 FIBA World Cup.
Sa pagkikita nila ni Chinese NBA superstar Yao kahapon sa Prince Park Tower Hotel sa Tokyo, Japan ay sinabi ng 5-foot-6 na si Pacquiao na tunay na maipapakita ng mga Pinoy ang kanilang pagmamahal sa baskteball kung makukuha ang karapatang pamahalaan ang 2019 FIBA World Cup.
“I am a boxer but I am here because I love basketball so that tells you the passion that Filipinos have for basketball,” sabi ng 36-anyos na si Pacquiao, ang coach ng Kia sa PBA. “If we host the 2019 FIBA Basketball World Cup, we can show that passion to the world.”
Kasama ni Pacquiao sa Philippine delegation sina Fil-American Hollywood actor Lou Diamond Philipps, Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan, dating Gilas coach Chot Reyes at dating national team player Jimmy Alapag.
Si Reyes ang tumulong sa Gilas Pilipinas na makapaglaro sa 2014 FIBA World Cup sa Spain matapos kunin ang silver medal ng FIBA Asia Championships noong 2013 na inilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang 5’8 na si Alapag ang tumayong point guard ng koponan ni Reyes.
Sinabi naman ng 7’4 na si Yao, dating sentro ng Houston Rockets, na mahirap pagkumparahin ang pagmamahal ng mga Filipino at Chinese sa basketball.
“You can’t say that one type of love is better than the other. Both are great. Both countries have a great passion for basketball, particularly for FIBA basketball,” wika ni Yao.