TOKYO--Magdedesisyon ang FIBA Central Board kung sino sa Pilipinas at China ang magiging host ng 32-nation FIBA World Cup sa 2019 sa kanilang 15-minute deliberation matapos ang audio-visual presentations at closed-door grilling sessions ngayong gabi sa Prince Park Tower Hotel dito.
Matapos ang 20-minute audio-visual presentations ng Pilipinas at China sa ganap na alas-4 hanggang alas-5 ng hapon ay iimbitahan ang mga opisyales sa isang private room para sa question-and-answer sessions.
Pangungunahan ni SBP president at FIBA Central Board member Manny V. Pangilinan ang Philippine panel kung saan siya sasamahan nina Secretary of Foreign Affairs Albert del Rosario, Secretary of Tourism Ramon Jimenez, SBP executive director Sonny Barrios at SBP deputy executive director for international affairs Butch Antonio.
Itatampok sa audio-visual presentation ng Pilipinas sina speakers Chot Reyes, Jimmy Alapag at Fil-Am celebrity Lou Diamond Phillips. Ang 53-anyos na si Phillips, isang multi-awarded actor na sumusuporta sa krusada ng mga Pinoy sa US na tinampukan ng kanyang pagtulong sa Filipino Veterans Equity Act of 2006 ay dumating dito noong Miyerkules via direct flight mula sa Los Angeles.
Nagtungo naman si Rep. Manny Pacquiao noong Martes kasama ang asawang si Jinkee.
Dumating naman kahapon sina PBA legend Benjie Paras at kanyang anak na si Kobe.
Susuporta din sina PBA chairman Patrick Gregorio, PBA commissioner Chito Salud, PBA media bureau chief Willie Marcial, Blackwater alternate governor Wilbert Loa at Tourism Promotions Board chief operating officer Domingo Enerio.
Sinabi ni Pangilinan na hangad ng Pilipinas na basagin ang attendance records ng World Cup sa opening day pa lamang kung saan itatakda ang mga laro ng Gilas Pilipinas at ng Team US sa Philippine Arena.
Sa planong pagbebenta ng hiwalay na tiket sa mga laro ng Gilas at Team USA ay maaaring makabenta ng 55,000 tiket o pinagsamang 100,000 manonood sa unang playing day ng 2019 World Cup.
Ang 32 bansang sasabak sa World Cup ay ang host nation, lima mula sa Africa, pito sa America, pito sa Asia at Oceania at 12 sa Europe.
Makakasama ang Australia at New Zealand ng Asia sa qualifying process. Noong 2014 World Cup sa Spain ay 24 teams ang lumahok.
Ang Asia ay kinatawan ng Iran, Pilipinas at South Korea at ang Australia at New Zealand ay mula sa Oceania. Ang minimum bid para sa hosting rights ay itinakda sa 8 Million Euros o katumbas ng P460M.