MANILA, Philippines – Maliban sa boxing ay malapit din sa puso ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang basketball.
Kaya naman nang imbitahan siya ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manuel V. Pangilinan na sumama sa Philippine delegation para sa bid presentation sa harap ng FIBA Central Board sa Agosto 7 sa Tokyo, Japan ay hindi siya nagdalawang-isip.
“I am here to support our country’s bid. You know, basketball is the most popular sport in our country,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng Philboxing.com. “Halos bawat sulok ng kahit liblib na barangay ay mayroong basketball court. Ganun kalapit sa puso ng mga Pilipino ang larong basketball. Kaya sana tayo ang manalong host.”
Kalaban ng Pilipinas sa pagbi-bid sa hosting rights ng 2019 FIBA World Cup ay ang China.
Magpapakita ang dalawang bidding countries ng 20-minute audio-visual presentation sa harap ng FIBA Central Board sa Prince Park Tower Hotel at iimbitahan ang mga opisyales ng dalawang delegasyon para sa question-and-answer, closed door session.
Matapos ito ay ihahayag ng FIBA Central Board ang nanalo sa bidding.
Bagama’t mas angat ang China sa pagkakaroon ng mga modernong pasilidad ay naniniwala naman si Pacquiao na malalaman ng FIBA Central Board ang pagmamahal ng mga Pinoy sa basketball.
“Palagay ko hindi lang naman ang infrastructure o venue and titingnan at ikokonsidera ng FIBA Central Board kundi ang pangkalahatang kakayahan ng isang host. Mas passionate ang mga Pinoy pagdating sa larong basketball,” ani Pacquiao, ang playing coach ng Kia sa Philippine Basketball Association.
Maghahanda ang China ang walong basketball stadiums sa hangaring makuha ang pamamahala sa 2019 FIBA World Cup na huling idinaos sa Spain noong nakaarang taon.
Sa FIBA World Cup noong 2014 ay kumampanya ang Gilas Pilipinas ni coach Chot Reyes na binanderahan ni naturalized player Andray Blatche.
Idinaos ang World Cup sa bansa noong 1978.