MANILA, Philippines – Nakahanap ng solusyon ang Letran Knights sa hamong hatid ng Lyceum Pirates para iuwi ang 83-78 panalo at manatiling walang talo sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Bumalik si Mark Cruz sa huling yugto at ang kanyang nakumpletong 3-point play ang nagbigay sa Knights ng 71-65 bentahe.
Si Cruz ay napahinga sa ikalawa at ikatlong yugto matapos masiko sa ilong ilang segundo bago matapos ang first period.
Pisikal ang laro at umabot sa walo ang technical o flagrant foul para sa kabuuang 54 fouls.
May kabuuanng 67 free throws ang ibinigay sa dalawang koponan at ang Knights ay kumolekta ng 21 puntos sa 34 tangka.
Si Kevin Racal at Rey Nambatac ay nagtala ng tig-19 puntos, habang si Jomari Sollano ay may 11 puntos para sa 7-0 record ng Knights.
Nagtala ng career-high na 22 puntos at 12 rebounds si Cameroonian Jean Nguidjol para sa Pirates (1-6) na ininda ang pagkawala ni Joseph Gabayni bunga ng disqualifying foul nang sikuhin sa ulo si Nambatac sa ikatlong yugto.
Bumalik naman ang sigla ng St. Benilde Blazers (2-5) matapos kunin ang 88-66 panalo kontra sa San Sebastian Stags (1-6) sa unang laro.