MANILA, Philippines - Unti-unti ay gumagawa ng pangalan si Kobe Paras sa United States.
Ito ay kanyang ipinakita sa katatapos na 2015 Adidas Global Nations camp sa Long Beach, California.
Sa kabila ng kabiguan ng kanyang Team Nations sa lahat ng tatlong laro nito, naglista naman ang 6-foot-7 na si Paras ng mga averages na 14 points (second best), 3.3 rebounds at 1.3 assists sa 27.3 minutes per game.
Ang pinakaimpresibong laro na ipinakita ni Paras ay sa kanilang 68-117 kabiguan sa Team Latin America.
Sa naturang laro ay kumamada si Paras ng team-best na 21 points.
Humablot din ang anak ni PBA great Benjie Paras ng 6 rebounds at 2 steals sa loob ng 31 minutong paglalaro.
Nagtala naman si Sacha Killeya-Jones ng average na 14.7 points per outing.
Si Killeya-Jones ay ang No. 51 sa mga best high school players sa US sa kasalukuyan.
Wala naman sa nasabing listahan si Paras.
Kaya naman pinag-uusapan ngayon sa US ang ipinamamalas na laro ni Paras.
Isa na sa naunang nakapansin sa husay ni Paras ay si Denver Nuggets head coach Brian Shaw.
“Right now, there’s a lot of buzz on a young player who’s gonna be attending the UCLA next year. He’s Kobe Paras,” sabi ni Shaw, nanalo ng NBA championships sa Lakers, sa kanyang NBA Fit clinic at the Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo.
“I’ve watched some videos of his AAU (American Athletic Union) games and I’ve heard a lot about him. I know he has a good size. He’s 6-7 and has done well in some of the camps, the games and the tournament he’s played in. I know he still has one year left in high school so I’m looking forward to see him play in UCLA and see how he does there,” dagdag pa ni Shaw kay Paras.