MANILA, Philippines - Nakitaan ang La Salle Green Archers ng mas matibay na laro para ipasok ang koponan sa quarterfinals sa Spikers’ Turf Collegiate Conference sa 25-18, 25-19, 17-25, 25-15 panalo kontra sa St. Benilde Blazers kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Raymark Woo at John Arjay Onia ay gumawa ng 16 at 15 puntos para sa Green Archers na kumuha rin ng 34 puntos sa mga errors ng Blazers upang manalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Ikatlong sunod na panalo ito ng La Salle upang samahan ang pahingang Ateneo Blue Eagles sa susunod na round bitbit ang 3-1 karta.
Natalo naman ang Blazers sa ikalawang sunod na pagkakataon upang mameligro ang hangaring magpatuloy ang paghahabol ng kampeonato sa 2-2 baraha.
May 20 puntos si Johnvic De Guzman mula sa 19 kills at isang blocks pero ang sumunod na scorer ng koponan ay si Isaah Arda na may 9 puntos.
Sina Woo at Onia ay nagsanib sa 25 attack points para bigyan ang La Salle ng 46-44 kalamangan habang si Woo ay may apat na aces na dinomina rin ng nagwaging koponan, 7-3.
Lumapit naman ang Emilio Aguinaldo College Generals sa pagwalis sa Group A mula sa 25-22, 25-22, 25-23 tagumpay laban sa NCBA Wildcats.
Nagtala ng 15 kills, 6 aces at 3 blocks tungo sa 24 puntos si Howard Mojica para pangunahan ang paghablot ng ikaapat na sunod na panalo ng NCAA champions na Generals.
Marami ring pagkakamali ang nagawa ng Generals sa kanilang 40 errors pero binawi nito ito sa pagdodomina sa attacks, 32-24, blocks, 5-2 at aces 7-1.