MANILA, Philippines - Lalayo pa ang Letran Knights sa mga katunggali sa pag-asinta ng ika-pitong sunod na panalo sa pagharap sa Lyceum Pirates sa 91st NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ikalawang laro sa seniors division ang tagisan at patok ang tropa ni coach Aldrin Ayo na mangibabaw sa Pirates na kasalo ng San Sebastian Stags, St. Benilde Blazers at Emilio Aguinaldo College Generals sa ilalim mula sa 1-5 baraha.
Ang Stags at Blazers ang magtutuos sa unang laro sa alas-2 ng hapon at mag-uunahan sila na makakalas sa huling puwesto.
“Habang nagpapanalo kami ay tumataas ang expectations sa amin and we have to meet that expectations,” ani coach Aldin Ayo.
Hindi rin siya kampante na magiging madaling laro ang tagisang magaganap sa alas-4 dahil tiyak na gusto ring bumangon ng Pirates sa kinalulugaran.
“We won’t be complacent. We have to play our usual game, we have to run, execute and outsmart them,” dagdag ng bagong mentor ng Knights.
Sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal ang mga aasahang muli pero hindi papahuli ang ibang nasa bench na ayon nga kay Ayo ay may kakayanang gumawa tulad ng kanyang tatlong kamador.
Motibasyon para sa Pirates ang sikaping tapusin ang pinakamasamang panimula sapul nang sumali sa liga apat na taon na ang nakakalipas.
Lumasap ang tropa ni coach Topex Robinson ng 95-109 pagkatalo sa Mapua Cardinals sa laro na kung saan sinikap nilang bumangon mula sa 43 puntos na pagkakalubog pero kinapos lamang sa huli.
Ang pagsusumikap na nakita sa mga bataan ang siyang sasandalan ni Robinson para makuha ang ikalawang panalo sa taon.