MANILA, Philippines – Ginamit nang husto ng FEU Lady Tamaraws ang lakas sa pag-atake para trangkuhan ang 25-20, 25-20, 25-19 panalo laban sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Jovelyn Gonzaga at Toni Rose Basas ay tumapos taglay ang 19 at 11 puntos at nagsanib sa 24 attack points na mas mataas sa 23 ng Lady Maroons.
Maliban sa dominasyon sa kills (46-23), nangibabaw din ang Lady Tamaraws sa serve, 8-3, at si Remy Palma ay may tatlong aces.
Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng nagdedepensang FEU sa Group A at kailangan na lamang nila na manaig pa sa National University Lady Bulldogs upang makumpleto ang sweep sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang baguhang si Isabel Molde ang nanguna sa UP sa kanyang siyam na attack points.
Mabangis pa rin ang atake at blocking ng UST Tigresses para pabagsakin ang TIP Lady Engineers, 25-16, 25-19, 24-26, 25-14, sa ikalawang laro.
May 18 puntos si Ennajie Laure na nagmula sa 16 kills at dalawang blocks para pangunahan ang 49-32 bentahe sa attack points at 11-3 sa blocks para sa pagsungkit sa quarterfinals seat sa Group B.
Nagulo ang paghahabol para sa huling dalawang tiket dahil ang TIP ay may 1-3 karta kagaya ng San Sebastian at La Salle-Dasma.