MANILA, Philippines – Muling nakita ang bangis ng Ateneo Lady Eagles kapag nauunahan sa unang dalawang set sa pamamagitan ng 23-25, 18-25, 25-8, 25-20, 15-10 panalo laban sa kinapos na St. Benilde Lady Blazers sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nanumbalik na ang galing ni Alyssa Valdez nang maghatid siya ng conference-high na 32 puntos mula sa 26 kills, limang aces at isang blocks at ang UAAP champions na Lady Eagles ay may 4-0 karta sa Group B sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Siya ang nanguna sa pagbangon ng Lady Eagles sa ikatlong set at sa deciding fifth set ay nagpakawala ng anim na puntos sa pinakamagandang laro niya sa conference.
“Nag-work ang teamwork naman matapos ang 0-2 at andoon din si coach Tai (Bundit) para gabayan kami,” wika ni Valdez sa naging diskarte sa pagbangon.
Lumamang ang Lady Blazers sa 5-4 sa atake ni Jannine Navarro bago gumanti ng kill si Valdez at sa kanyang serve ay nagkaroon ng dalawang aces para bigyan ang Ateneo ng 9-5 kalamangan.
May 11 puntos, tampok ang tatlong blocks at tatlong aces, si Bea De Leon na tila regalo sa sarili ang ipinakita dahil magdiriwang siya ng kanyang kaarawan ngayon.
Si Jhoanna Maraguino ay may walong attack points tungo sa siyam na puntos bukod sa pitong digs, habang si Gizelle Tan ay may 35 excellet sets.
Ang converted na libero na si Ella de Jesus ay may 11 digs at siyam na excellent receptions.
May 17 puntos si Jeanette Panaga, habang 14 ang ibinigay ni Navarro para sa Lady Blazers na nawalan ng kumpiyansa nang durugin sa third set.
Tinalo naman ng Arellano Lady Chiefs ang University of Batangas Mighty Brahmans, 25-4, 25-23, 25-16.