MANILA, Philippines - Sa Lunes na inaasahang ihahayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang komposisyon ng Gilas Pilipinas para sa 2015 FIBA Asia Championship sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Changsha, China.
Ang mga dumating sa ensayong ipinatawag ni head coach Tab Baldwin ang siya nang posibleng bumuo sa Gilas Pilipinas.
Ang mga ito ay sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Gary David, one-time PBA Most Valuable Player Asi Taulava ng NLEX, Globalport scoring guard Terrence Romeo, Barako Bull big guard JC Intal, Aldrech Ramos ng NLEX, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros ng Alaska, Matt Ganuelas-Rosser ng Talk ‘N Text at National University Bulldogs star Jeth Troy Rosario.
Sa halos dalawang buwan na gagawing paghahanda ni Baldwin para sa Nationals ay huling-huli na ito kumpara sa mga koponang sasabak sa FIBA Asia Championships, ang qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Kasalukuyang naglalaro ang China, Lebanon at Korea sa mga pocket tournaments bilang preparasyon.