MANILA, Philippines - Darating sa Pilipinas ang tinitingala dati sa pole vault na si Sergey Bubka para ligawan ang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) hinggil sa plano niyang pagtakbo sa pampanguluhan sa International Association of Athletics Federation (IAAF).
Sa Lunes ay bibisitang muli sa bansa si Bubka para maihatid ang kanyang mga plano kay PATAFA president Philip Ella Juico.
Si Bubka na nanalo ng mga gintong medalya sa Olympic Games at World Championships ay makikipagtunggalian kay Sebastian Coe para sa IAAF presidency.
Ang 58-anyos na tubong England na chairman ng British Olympic Committee at nanalo ng dalawang Olympic gold medals sa 1,500-meter event ay sinasabing nakakalamang kay Bubka dahil panig sa kanya ang mga European countries.
“Sergey Bubka is flying around Asia and other developing countries to know how he can help should he win the IAAF presidency. Kailangan natin ang tulong at makikinig tayo sa kanyang mga plano,” wika ni Juico.
Nakatulong na si Bubka sa Pilipinas dahil siya ang nangasiwa para magkaroon ng scholarship sa IAAF Training Center sa Formia, Italy si pole vaulter Ernest John Obiena noong nakaraang taon.
Nakabalik na muli si Obiena sa pasilidad noong Hunyo at siya ay babalik ng bansa sa unang linggo ng Agosto.
Sasandal si Bubka na makuha ang suporta ng Asia na may mahigit na 40 bansa para manalo sa halalan na nakatakda sa Agosto 19 sa Beijing, China.