MANILA, Philippines - Hindi na maghahabol ng upuan ang mga National Sports Association (NSA) sa rowing at table tennis para sa 2016 Rio Olympic Games.
Ang mga NSAs sa canoe, cycling, badminton, golf at fencing ay hindi pa tumutugon sa mga requirements at mga plano sa mga atletang nais isali sa mga gaganaping Olympic qualifiers ayon sa grupong itinalaga ng POC para tulungan ang mga asosasyong may tsansang makalaro sa Olympics.
Ang rowing at table tennis ay nagsabi na wala silang mga atletang puwedeng ipasok sa mga Olympic qualifying kaya’t hindi na sila kasama.
“Sa ngayon ay 21 NSAs ang kasama sa listahan pero lima pa ang hindi tumutugon sa mga hinihingi naming requirements,” wika ni POC chairman Tom Carrasco, Jr., kasapi ng Rio Games Committee.
Tanging si Fil-Am Eric Cray sa 400m hurdles sa athletics pa lamang ang nakatiyak ng puwesto sa Rio Olympics, habang ang iba ay magsisimulang sumali sa mga qualifying tournament sa mga susunod na buwan hanggang sa Mayo ng 2016.
Nasa 120 ang atletang ipinatala ng 16 NSAs ngunit mababawasan pa ito lalo na kung magsisimula na ang mga qualifying tournaments para sa Rio Games.
Ang mga nagpasa na ng kanilang mga dokumento ay ang athletics, shooting, judo, tennis, weightlifting, gymnastics, aquatics, archery, boxing, taekwondo, basketball, rugby, equestrian, sailing, triathlon at wrestling.
“This is the initiative of POC president Jose Cojuangco Jr. to make sure that the NSAs na may panglaban ay matutulungan para dumami ang mga atleta natin na maglalaro sa Rio Games. Wala tayong pinag-uusapan dito na medalya dahil ang goal natin ngayon ay makapagpasok ng maraming atleta,” dagdag ni Carrasco.
Sinabi naman ni Cojuangco na lalapit siya sa mga kaibigan at sa PSC para bigyan ng dagdag na pondo ang mga atletang may tsansang manalo ng medalya mula sa 2016 Rio Olympics.
Itutulak din niya na kumuha ng mga foreign coaches ang mga NSAs.