MANILA, Philippines – Nagpasa ng resolusyon ang Philippine Olympic Committee (POC) na nagsasaad ng pagsuporta sa plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isagawa sa bansa ang 2019 FIBA World Cup.
Sa isinagawang POC General Assembly sa Wack Wack Golf and Country Club pinagtibay ang resolusyon para dagdagan ng ngipin ang plano ng SBP.
Si SBP president Manny V. Pangilinan ay tutungo sa Tokyo sa Agosto 7 para sa huling presentasyon sa plano sa hosting sa FIBACentral Board.
“We’re all-out in supporting the bid of SBP for Philippines to host the FIBA World Cup in 2019,” wika ni POC president Jose Cojuangco Jr.
Ang China ang siyang katunggali ng bansa sa hosting at di tulad sa SBP, ang gobyerno ng China ang siyang nagsususog para makuha ang pinakamalaking palaro sa basketball.
Sinabi naman ni PSC chairman Ricardo Garcia na bagamat hindi ang pamahalaan ng bansa ang nagbi-bid ay kaisa ang sangay ng palakasan ng pamahalaan sa naisin ng SBP.
Binanggit pa ni Garcia na noong bumisita si FIBA secretary-general Patrick Baumann sa bansa sa kaagahan ng taon ay nasabi na niya ang pagsuporta ng ahensya sa hosting.
“Kung naibigay na sa Pilipinas ang hosting puwede uling magpulong ang SBP, PSC at POC para sa tulong na puwede naming ibigay,” ani pa ni Garcia.
Ang Pilipinas ang siyang tumayo bilang punong abala sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship at isa ito sa matagumpay na edisyon ng kompetisyon.
Kung ibigay ang FIBA World ay dalawang malalaking sporting events ang gagawin sa bansa at ang isa ay ang SEA Games.
“Kahit gawin pa nating tatlo iyan, kaya natin iyan,” sabi pa ni Garcia.