MANILA, Philippines – Mas malaki at mas matitinding mga aksyon ang matutunghayan sa International Premier Tennis League (IPTL).
Ito ang ipinangako kahapon ni Clementine Apacible, ang project lead para sa Manila leg ng 2015 IPTL, sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate.
“We have more teams, more players. Rafael Nadal is coming to play,” wika ni Apacible sa nasabing tennis event na unang idinaos sa bansa noong nakaraang taon tampok si Russian superstar Maria Sharapova.
Muling hahataw ang IPTL sa Disyembre 6-8 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“It’s the All-Stars of tennis. It will be three days of sports and entertainment,” wika ni Apacible.
Babanderahan ni Serena Williams, target ang Grand Slam ngayong taon, ang Philippine Mavericks sa pagsagupa sa Japan Warriors, UAE Royals, Indian Aces at Singapore Slammers.
Pamumunuan naman ni Sharapova, dating naglaro para sa Mavericks, ang Japan Warriors na magpaparada rin kina Daniela Hantuchova at Marat Safin.
Ang winning team ang kukuha sa premyong $1 milyon.
“That’s one million dollars plus the trophy and the bragging rights. But it’s really about the camaraderie among the teams,” ani Apacible.
Ang mga presyo ng tiket ay P49,000 (VIP), P40,000 (patron), P23,000 (lower box), P11,600 (upper box) at P2,700 (general admission).
Si Nadal ang mangunguna para sa Micromax Indian Aces kasama sina Gael Monfils, Agnieszka Radwanska, Fabrice Santoro, Ivan Dodig, Sania Mirza at Rohan Bopanna.
Ang UAE Royals ay babanderahan nina Roger Federer, Ana Ivanovic at Goran Ivanisevic, habang nasa Singapore Slammers ang World No. 1 player na si Novak Djokovic.