MANILA, Philippines – Tuloy na muli ang paghahanda ng mga national athletes na mga kasapi sa iba’t-ibang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa panayam kahapon kay Sgt. Angel Dayag na siyang liason officer ng AFP sa PSC, binigyan na ang lahat ng 119 military athletes ng kani-kanilang detailed service upang makabalik muli sa kani-kanilang National Sports Associations.
“Hindi lamang ang mga boxers ang nabigyan na ng DS kundi sabay-sabay lahat ng military athletes ang na-deploy sa kani-kanilang NSAs,” wika ni Dayag.
Nagtungo si Dayag sa tanggapan ni PSC chairman Ricardo Garcia at dala ang bagong Memorandum of Agreement (MOA) para papirmahan.
Noong Hunyo 30 napaso ang dating MOA kaya’t ni-recall ang mga military athletes sa AFP.
Dahil dito ay nabahala ang mga NSAs at nanguna rito ang ABAP na problemado sa pagbubuo ng national team para sa Asian Boxing Championships sa Bangkok, Thailand sa susunod na buwan.
Krusyal ang mga darating na buwan dahil isasagawa ang mga qualifying events para sa 2016 Olympic Games.