PSL Beach Volleyball challenge cup Tornadoes sumampa na sa quarters
MANILA, Philippines - Sa kabila ng masungit na panahon noong Sabado ay hindi pa rin nagpapigil sina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Foton Tornadoes na kunin ang isang quarterfinals berth.
Umiskor sina Ceballos at Orendain ng 21-14, 15-21, 17-15 panalo kontra kina Jusabelle Brillo at Jem Guttierez ng Meralco sa women’s division ng PLDT Home Ultera-Philippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup 2015 sa Sands By the Bay sa SM Mall of Asia.
Nagsalpak ng dalawang krusyal na atake si Ceballos sa third set para tuluyang sikwatin ang quarterfinals ticket sa torneong inorganisa ng Sports Core katulong ang Accel, Sands By the Bay at Maynilad.
Ang mga nakapasok sa quarterfinals ay ang Foton Tornadoes, Foton Hurricane, Amy’s, Philips Gold, Cignal HD Spikers B, Petron XCS, Meralco at Gilligan’s.
Pinatumba nina Len Cortel at Samantha Dawson ng Amy’s sina Aileen Abuel at Rossan Fajardo ng Philips Gold, 21-18, 21-12 at tinalo nina Danica Gendrauli at Norie Diaz ng Gilligan’s sina Fil-Am Alexa Micek at Fille Cayetano ng Petron Sprint 4T, 18-21, 21-17, 15-9.
Nagtala naman ng panalo sina Cha Cruz at Michelle Laborte ng Cignal HD Spikers A laban kina Pau Soriano at Bea Tan ng Foton Hurricane, 25-23, 21-14.
Dahil sa naunang dalawang kabiguan noong nakaraang Sabado ay nalaglag pa rin sina Cruz at Laborte sa classification phase.
Sa men’s division, dinaig ng Centerstage ang SM By the Bay B, 21-16, 18-21, 15-11; tinalo ng SM By the Bay A ang Champion Infinity B, 21-17, 18-21, 15-10; pinatumba ng Cignal HD Spikers A ang Perpetual-Molino A, 21-14, 21-10; at giniba ng IEM ang Perpetual Molino B, 21-13, 21-11.
- Latest