MANILA, Philippines - Dalawang linggo bago ang Manila qualifying leg ng 39th Milo Marathon ay nagkaroon ng lagnat si elite runner Eric Panique.
“Medyo maulan kasi sa Baguio, kaya habang nagte-training ako doon ay nauulanan ako kaya ako nagkalagnat,” wika ng tubong Negros Occidental na si Panique.
Bagama’t nilalagnat ay ipinagpatuloy pa rin ng 32-anyos na si Panique ang kanyang paghahanda.
“Hindi ko na inisip ‘yun kasi gusto ko talagang mag-qualify para sa National Finals,” sabi ni Panique matapos mamayani sa 42.195-kilometer Manila qualifying leg sa kanyang tiyempong 2 oras, 37 minuto at 44 segundo kahapon sa Mall of Asia grounds sa Pasay City.
Tinalo ni Panique para sa premyong P50,000 at automatic berth para sa Milo National Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga sina Mario Maglinao (2:39:47) at Rene Desuyo (2:45:57).
Nang makalayo sa huling walong kilometro ng karera ay naging dahan-dahan na ang takbo ni Panique.
“Nag-phasing ako, pero nu’ng makita ko si Maglinao na dumikit ng 50 meters saka lang ulit ako rumemate sa last 2 kilometers,” ani Panique, ang pinakamataas na puwestong natapos sa Milo National Finals ay ikalawa sa ilalim ng mga nagkampeong sina Cresencio Sabal noong 2009 at Eduardo Buenavista noong 2012.
Kinailangan naman ni Luisa Raterta na magamay ang ruta para tuluyang pagreynahan ang women’s 42K sa kanyang bilis na 3:10:36 at ungusan sina Criselyn Jaro (3:25:03) at April Rose Diaz (3:34:02).
“Nanibago ako sa ruta kasi iba ito kumpara last year,” sabi ng 33-anyos na si Raterta, tinanggap ang premyong P50,000 at automatic ticket para sa Milo National Finals. “Nu’ng pabalik na, binilisan ko na ‘yung takbo ko kasi kabisado ko na ‘yung ruta.”
Samantala, naglista si Gregg Vincent Osorio ng 1:41:13 para pagharian ang men’s 21K kasunod sina Nelson Elejeran (1:19:11) at James Kevin Cruz (1:19:30), habang tinalo ni Victoria Calma (1:46:47) sina Celma Hitalia (1:52:25) at Charlotte Garana (1:55:19) para mangibabaw sa women’s class.
Ang iba pang nanalo sa kanilang mga kategorya ay sina Kenyan Eliud Kering (0:31:36) at Jhanine Mansueto (0:42:25) sa men’s at women’s 10K at sina Kevin Capangpangan (0:16:33) at Feiza Jane Lenton (0:19:46) sa men’s at women’s 5K.