MANILA, Philippines - Dalawang may edad ngunit mahuhusay pa ring bowlers na sina Biboy Rivera at Liza del Rosario ang itinanghal na kampeon sa World Cup national championship na ginawa noong Huwebes sa SM North Edsa.
Ang 41-anyos na si Rivera ay nag-init sa una at ikatlong laro para talunin ang dating Asian Youth Masters champion na si Kenneth Chua, 235-179, 194-199, 266-205, sa kalalakihan habang ang 37-anyos na si Del Rosario ay nanaig kay Alexis Suy, 238-215, 187-213, 245-197, sa kababaihan.
Ang malawak na karanasan nina Rivera at Del Rosario ay lumabas para makitaan ng tibay ng pulso sa ikatlong game upang makuha rin ang karapatan na maglaro uli sa BWC international finals sa ikalawang sunod na taon.
Ang international finals ay gagawin mula Nobyembre 13 hanggang 20 sa Sam’s Town sa Las Vegas, Nevada at target nina Rivera at Del Rosario ang mahigitan ang pang-apat na pagtatapos na kanilang naitala noong nakaraang taon sa Wroclaw, Poland.
Pumangalawa kay Chua (7498)) matapos ang 8-game position round, pinagpahinga muna ni Rivera (7280) si Benshir Layoso, (180-162, 181-256, 235-202) habang si Del Rosario na pumangatlo sa kababaihan (5747) ay sinilat ang number two seed Krizziah Tabora (195-165, 193-191).
Apat na Filipino bowlers pa lamang ang nananalo sa World Cup at nangunguna rito si Paeng Nepomuceno na bukod-tanging manlalaro sa mundo na nakaapat na titulo.
Ang iba pa ay sina CJ Suarez sa kalalakihan at sina Lita dela Rosa at Bong Coo sa kababaihan.
Sumali rin si Nepomuceno sa kompetisyon pero tumapos siya sa ikalimang puwesto sa 6751 marka.