MANILA, Philippines – Nagbigay ng dalawang goals sa first half ang Philippine Azkals para lasapin ang 1-2 pagkatalo sa Bahrain sa FiFA International Friendly game ng dalawang bansa noong Lunes ng gabi sa Bahrain National Stadium sa Manama.
Sina Faouzi Aaish at Abdulla Yaser ang mga bumutas sa depensa ni Azkals goalie Roland Muller sa first half para sa kumportableng kalamangan ng Al Muharraq.
Sa second half ay naging agresibo ang bisitang koponan na hawak ni coach Thomas Dooley at si Manny Ott ang nagbigay ng goal para sa koponan sa 61st minute.
Nagkaroon pa ng pagkakataon sina Phil Younghusband at Mark Hartmann na makapag-attempt sa mga sumunod na tagpo pero nadepensahan ang mga ito para mabigo ang Azkals sa kanilang unang laro sa 2015.
Noong 2012 huling nagkita ang Pilipinas at Bahrain at nauwi ito sa scoreless draw (0-0).
Ang Pilipinas ay pasok sa second round ng World Cup qualifiers na sinalihan ng 40 koponan at ang draw ay gagawin sa Abril 14 sa JW Marriott Hotel sa Kuala Lumpur, Malaysia.