MANILA, Philippines – Mas makikilatis ang may 20 Pambansang atleta sa track and field dahil sa paglahok ng mga ito sa mas mabigat na kompetisyon ngayong Sabado’t Linggo.
Pangungunahan ng mga SEA Games gold medalists na sina Christopher Ulboc, Archand Christian Bagsit at Jesson Ramil Cid, ang PATAFA ay magpapadala ng manlalaro sa 77th Singapore Open Track and Field Championships mula Abril 4 at 5.
Ang dalawang araw na kompetisyon ay katatampukan ng mga manlalaro mula rin sa ibang bansa habang ang Singapore ang siyang host sa gaganaping SEA Games sa Hunyo kaya’t tiyak na mga bigating manlalaro ang sasalang sa host country upang masipat kung sinu-sino ang puwedeng isabak sa biennial Games.
Sina Ulboc, Bagsit at Cid ay mga kampeon sa SEAG sa 3000-m steelplechase, 400-m run at decathlon at siya rin nilang paglalaruan sa nasabing kompetisyon.
Ang iba pang kasali sa kalalakihan ay sina Rene Herrera (steeplechase), Jose Unso (200m), Edgardo Alejan Jr. (400m), Junrey Bano (400m), Joan Caido (400m), Wenlie Maulas (800m), Patrick Unso (110m hurdles), Clinton Kingsley Bautista (110m hurdles), Ernest John Obiena (pole vault) Julian Reem Fuentes (long jump), Benigno Marayag (long jump) Harry Diones (triple jump) at Janry Ubas (decathlon).
Ang dating SEAG long jump queen na si Marestella Torres ang mangunguna sa kababaihan kasama pa sina Katherine Khay Santos (100m/long jump), Riezel Buenaventura (pole vault) at Narcisa Atienza (heptathlon).
Ang lahat ng mga manlalarong ito ay sumali sa National Open sa Laguna Sports Complex kamakailan kaya’t inaasahang nasa magandang kondisyon ang Pinoy tracksters na haharap sa bakbakan.